Iginiit sa Kamara na hindi katanggap-tanggap ang mataas na death toll na resulta ng pananalasa ng Bagyong Agaton.
Sa pinakahuling tala ay umabot na sa 172 ang mga nasawi sa kalamidad bukod pa sa 2 milyong indibidwal na na-displace dahil sa bagyo.
Kaugnay rito ay muling ipinanawagan ng Mababang Kapulungan ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience o DDR partikular sa Senado sa muling pagbabalik-sesyon.
Binigyang-diin sa Kamara na kung hindi man maiwasan ang pagkamatay ng mga kababayan ay hindi sana ganito kataas ang casualty kung mayroon lamang national agency ng mga eksperto sa pagsasagawa ng disaster preparedness operations at prepositioning ng preemptive evacuation preparation na nakahanda sa buong taon.
Punto pa ng ilang kongresista, ang paulit-ulit nilang sinasabi na problema ay coordinative body lamang ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at wala itong sariling mga tauhan, resources, at hurisdiksyon o kakayahan na saluhin ang pagkukulang sa ground pagdating sa disaster preparedness.
Isa pa sa nakitang problema ay hindi agad makapagdeklara ng ‘state of calamity’ dahil sa umiiral na election spending ban na humahadlang para makapaghanda ang mga Local Government Units (LGUs) mula sa epekto ng kalamidad.