Pagpapatibay sa moratorium sa student loan tuwing may kalamidad at emergency, hiniling ng isang senador

Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senado para sa agad pagpapatibay ng Senado sa Senate Bill 1864 o ang moratorium o pansamantalang pagpapatigil sa pagbabayad ng student loan tuwing panahon ng kalamidad at emergency.

Sa gitna na rin ito ng inaasahang madalas na pag-ulan sa nalalapit na pasukan.

Sa pagdalo ni Go sa commencement exercise ng University of Perpetual Help System Dalta Calamba Campus na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC), tiniyak niya sa mga mag-aaral ang pagtutulak ng mga kinakailangang programa upang matiyak na ang bawat estudyante ay magkaroon ng oportunidad na magtagumpay.


Isa na rito ang panawagan din na maisabatas na ang panukalang moratorium sa pagbabayad ng student loan na layong protektahan at isulong ang karapatan ng lahat ng mamamayan para sa edukasyon.

Sa ilalim ng panukalang batas ay magpapatupad ng moratorium sa lahat ng uri ng bayarin ng mga mag-aaral at sakop din dito ang mga enrolled student na nakatira sa mga barangay, munisipalidad, syudad, probinsya o rehiyon na nasa ilalim ng state of calamity.

Hinikayat naman ni Go ang mga nagsipagtapos na estudyante na huwag tumigil sa pag-abot sa kanilang mga pangarap habang tinutupad ng gobyerno ang mandato at tungkulin nitong ibigay ang de-kalidad na edukasyon sa mga kabataan.

Facebook Comments