Kasabay ng pagdiriwang ng ika-82 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan, binibigyang pagkilala ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang mga beteranong Pilipino na nakipaglaban noong World War II para matamasa ang kalayaan, kasarinlan at kapayapaan ng bansa.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang katatagan at sakripisyo ng mga sundalong Pilipino ang syang nagsisilbing paalala ng tunay na kahalagahan at paninindigan laban sa paniniil at pang-aapi.
Sinabi pa ni Marbil na sa paggunita ng makasaysayang kaganapan ngayong araw ng kagitingan, hinihikayat nito ang sambayanan na muling pagtibayin ang ating pangako sa pagtataguyod ng mga prinsipyo ng kalayaan, demokrasya, at soberanya.
Aniya, marapat lamang na igalang ang alaala ng ating mga bayani sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng pagkakaisa, katarungan at kapayapaan sa loob ng ating mga komunidad.
Kasunod nito, nangangako ang buong hanay ng Pambansang Pulisya na pprotektahan ang lahat ng karapatan ng mga Pilipino at tinitiyak na hindi malilimutan ang mga sakripisyo ng ating mga bayani habang sama-sama tayong nagsusumikap tungo sa mas magandang kinabukasan.