Pagpapatibay sa panukala para sa permanenteng evacuation centers, hiniling ng isang kongresista

Pinamamadali na ni Deputy Minority Leader Carlos Zarate sa Senado ang pagpapatibay sa panukalang Permanent Evacuation Centers Bill.

Giit ni Zarate, hindi na dapat hintayin pa ang isang mala-Yolanda o Odette na bagyo bago tuluyang pagtibayin ang panukala para sa pagpapatayo ng evacuation shelters.

Dahil madalas ang bagyo sa Pilipinas, kinakailangang kumilos ng gobyerno habang hinihintay ang pinal na comprehensive disaster preparedness program.


Magagawa aniyang makapagligtas ng buhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang matibay, typhoon-resilient, at climate change-adaptive evacuation centers na matatagpuan sa ligtas na lokasyon malayo sa katubigan at landslide-prone areas.

Ang mga evacuation center ay ilalagay sa bawat dalawa hanggang tatlong magkakalapit na barangay na madaling mapupuntahan ng mga tao.

Oras na maisabatas, nilalayon nitong mahinto na ang paggamit sa mga paaralan at mga private facilities bilang temporary evacuation centers.

Tinitiyak din na ang mga naturang evacuation centers ay may sapat na stockpile ng pagkain, tubig, gamot maging communication equipment.

Marso pa ng taong ito nang pagtibayin ng Kamara sa ikatlong pagbasa ang panukala habang nakabinbin pa rin ito sa Senado.

Facebook Comments