Pinamamadali na ni Senator Sonny Angara sa mga kasamahang senador, ang pagpapatibay sa panukalang early voting scheme para sa mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs).
Tinukoy ni Angara, na batay sa report ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia, “blockbuster” ang resulta ng pilot implementation ng maagang pagboto ng mga senior citizens at PWDs sa katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), kung saan alas-singko pa lang ng umaga ay nakapila na sila para bumoto sa kabila ng mga kalagayan.
Ayon kay Angara, ang Senate Bill Number 777 ay may layuning ma-institutionalize ang maagang pagboto ng mga seniors at PWDs upang sa gayon ay maipatupad ito sa 2025 Election.
Batay sa panukala ni Angara, maaaring makaboto ang mga seniors at PWDs sa loob ng 15 araw bago ang mismong araw ng eleksyon.
Bukod dito, pipili rin ang COMELEC ng lugar na accessible para sa mga tinatawag na vulnerable sector.
Naniniwala si Angara, na kung maisasabatas ang panukala ay magiging mas madali at mas komportable para sa mga matatanda at mga may kapansanan ang pagboto tuwing halalan.