Ayon kay Committee on Foreign Relations Chairman Senator Koko Pimentel, sa pagbabalik ng session sa Mayo ay tatapusin na nila ang interpelasyon o debate para magpagbotohan na kung pagtitibayin nila o tututulan ang ratipikasyon ng tratado ukol sa Regional Comprehensive Economic Partnership Agreement (RCEP).
Nilagdaan o niratipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tratado noong Setyembre na kailangan pang aprubahan sa Senado sa boto ng 2/3 ng 24 na senador o labing anim na boto.
Nitong Enero ay naging epektibo na ang tratado pero hindi naihabol ang botohan ng Senado.
Ang RCEP ang itinuturing na pinakamalaki ngayong kasunduan ng iba’t ibang bansa ukol sa maluwag na kalakalan.
Nakapaloob sa RCEP ang higit na pagluluwag ng kalakalan sa pagitan ng Australia, China Japan, South Korea, New Zealand at sa sampung bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations na kinabibilangan ng Pilipinas, Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Myanmar, Malaysia, Singapore, Thailand at Vietnam.
Itinatakda rin ng tratado na tatapyasan ng malaki ang taripa o buwis sa mga produktong iniluluwas kaya maaari umanong talunin ang mga lokal na industriya ng imported.
Pero giit ng Department of Trade and Industry (DTI), walang dapat ikabahala dahil may sapat na safety nets ang tratado para maprotektahan ang mga sensitibong produktong agricultural gaya ng gulay gayundin ang karne ng baboy at manok.