Pagpapatigil ng China sa mga aktibidad ng Pilipinas sa WPS, inalmahan ng mga senador

Umalma ang mga senador at kinondena ang panawagan ng China na tigilan ng Pilipinas ang mga aktibidad sa West Philippine Sea (WPS) para maagapan ang paglala ng tensyon sa pinag-aagawang teritoryo.

Giit ni Senate President Tito Sotto III, titigil tayo kung titigil din ang China.

Diin naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, ang China ang nagtatayo ng military outpost sa WPS at pasimuno ng destabilisasyon sa rehiyon kaya ito ang dapat tumigil.


Hinikayat din ni Recto ang pamahalaan na makipagtulungan sa international community para mabawi ang ating Exclusive Economic Zone (EEZ) at maprotektahan ang ating mga mangingisda.

Para naman kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, ang sinasabi ng China ay malinaw na pagbalewala sa arbitral ruling na bumasura sa pag-aangkin nito sa naturang lugar.

Sabi naman ni Senator Richard Gordon, hindi natin dapat dedmahin at tanggapin na iniisahan na tayo ng China, at ninanakaw na ang kayamanang dagat ng sambayanan.

Mensahe naman ni Senator Nancy Binay, bagama’t tayo ay madiplomasya ay hindi pa rin tayo dapat manahimik sa ginagawang panggigipit sa atin ng China.

Para naman kay Senator Francis Tolentino, ang hakbang ng China ay paglapastangan sa general principle ng International Law na ang territorial integrity ng kahit anong bansa ay hindi dapat malabag.

Paglilinaw naman ni Senator Joel Villanueva, mapayapang pagsusulong sa ating karapatan ang ginagawa ng Pilipinas sa WPS kung saan mangilan-ngilang barko natin ang nagpapatrolya sa ating teritoryo at sa ating fishing grounds.

Ipinunto naman ni Senator Kiko Pangilinan na ang posisyon ng China ay kontra sa buong international community kaya dapat ng matuldukan ang tahasang pagbalewala nito sa International law.

Nakakaalarma naman para kay Senator Risa Hontiveros ang pahayag ng China gayong ito naman ang hindi rumirespeto sa ating soberenya at ito rin ang nangha-harass sa ating mga mangingisda at umaangkin sa ating teritoryo.

Facebook Comments