Pag-aaralan na ng Senado ang pagpapahinto sa military exchange program ng bansa sa pagitan ng China.
Ito ay makaraang ibulgar ni Senator Francis Tolentino sa pagdinig na sa gitna ng namumuong tensyon sa West Philippine Sea, ay matagal na palang may ganitong programa ang bansa sa China kung saan nagpapadala tayo ng mga kadete at opisyal ng militar para mag-aral at magsanay sa military academy doon.
Ayon kay Tolentino, magkakasa ang Mataas na Kapulungan ng imbestigasyon tungkol dito kung saan ire-review ng mga senador ang nilalaman ng military exchange program ng Department of National Defense (DND) sa China.
Pero bago ang pag-aaral at pag-evaluate sa military exchange program ay hihintayin muna ng Senado ang ipapadalang report ng DND tungkol sa ilan na ang nakapagtapos sa programa, kailan ito nagsimula, ilan ang mga sundalong kasalukuyang nag-aaral sa Beijing at marami pang iba.
Sinabi pa ni Tolentino na matagal na rin na nagpapadala ang bansa ng mga sundalo para magsanay sa China dahil may mga naka-graduate at marami na ang nakabalik sa Pilipinas.
Magkagayunman, hindi na bago ang pagkakaroon ng military exchange program dahil mayroon din tayong ganito sa US at Thailand.
Sa kabilang banda ay nakakaalarma pa rin para sa senador na may mga sundalo ng Pilipinas na nagsasanay sa China dahil posibleng madoktrinahan ang mga ito ng pinaniniwalaang nine-dash line ng China.