Pinuri ni Senador Francis Tolentino ang pagpapahinto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa operasyon ng online sabong sa buong bansa.
Ayon kay Toletino, sa pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunan ni Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa ay nabisto na maraming butas sa operasyon ng E-sabong.
Una ring iginiit ni Tolentino na kailangan munang magpasa ang Kongreso ng batas bago payagan ang mga E-sabong operators na magsagawa ng operasyon.
Pinanindigan din ni Tolentino na walang kapangyarihan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na i-regulate ang industriya ng E-sabong sa kabila ng pagbibigay ng hiwalay na opinyong legal ng Department of Justice at ng Office of the Solicitor General.
Pinuna rin ni Tolentino ang kabiguan ng Bureau of Internal Revenue at PAGCOR na kolektahin ang 20% buwis na pinapataw sa mga premyong napanalunan sa E-sabong sapul ng ito’y nagsimulang mag-operate noong ikalawang bahagi ng 2020.