Pagpapatigil ng Pfizer at Moderna vaccination, hindi irerekomenda ng Vaccine Experts Panel

Hindi irerekomenda ng Vaccines Experts Panel (VEP) na ipatigil ang vaccination gamit ang Pfizer at Moderna COVID-19 vaccines.

Ito ay sa harap ng higit 1,200 cases ng myocarditis o heart inflammation na naiulat sa Estados Unidos sa ilang young adults at adolescents matapos maturukan ng mga nasabing bakuna.

Kasunod nito, ang US Food and Drug Administration ay naglabas ng babala sa paggamit ng Pfizer at Moderna vaccines.


Ayon kay VEP Chairperson Dr. Nina Gloriani, walang dahilan para ipahinto ang pagbabakuna gamit ang American vaccines.

Aniya, kailangan lamang abisuhan ang mga taong makakatanggap ng US vaccines ukol dito.

Pagtitiyak ni Dr. Gloriani na patuloy nilang binabantayan ang safety at efficacy ng lahat ng bakuna.

Una nang inihayag ng Department of Science and Technology – Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) na hindi dapat itigil ang paggamit ng Pfizer-BioNTech vaccines.

Anila ang mga adverse events ay hindi naman permanente at hindi nagresulta ng kamatayan sa ilang vacinees.

Nasa 40 milyong doses ng Pfizer vaccines ang inaasahang darating sa bansa sa Agosto.

Facebook Comments