Pagpapatigil sa implementasyon ng terminal exchanges scheme, ipinanawagan ng mga transport group

Isinusulong ng iba’t ibang transport group ang pagpapatigil sa implementasyon ng terminal exchanges scheme.

Sa ilalim kasi ng terminal exchanges scheme ang mga pasaherong mula sa Central at Northern Luzon ay hanggang Philippine Sports Arena sa Bocaue, Bulacan na lamang o sa Valenzuela City Gateway Terminal at hindi na sila papayagang makapasok sa Metro Manila.

Habang ang mga pasahero naman mula Mindanao, Visayas at Southern Luzon ay hanggang SM Sta. Rosa sa Laguna o sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (Pitx) sa Paranaque City na lang.


Sa interview ng RMN Manila kay Ariel Lim, National Convenor ng National Public Transport Coalition, binigyang-diin nito na pahirap sa mga operators, drivers at mananakay ang pagpapatupad ng terminal exchanges scheme na hindi man lang dumaan sa tamang proseso.

Bunsod nito, sinabi ni Lim na dadalhin nila ang usapin sa Senado at Kamara upang pagpaliwanagin ang Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Nabatid na dahil sa biglaang implementasyon ng terminal exchanges scheme, halos 50,000 drivers, konduktor at support staff ng Nagkaisang Samahan ng mga Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas Inc. (NSNPBPI) ang nawalan ng trabaho.

Facebook Comments