Tiwala ang ilang kongresista na maraming Pilipino ang masasalba mula sa mga makasalanang sugal matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ihinto ang operasyon ng E-sabong.
Kasabay nito ang pagkalugod ng ilang mga kongresista sa naging hakbang ng pangulo na ipatigil na ang online cock fighting operations sa bansa.
Ayon sa ilang lider ng Kamara, mayroong mga hindi maitatangging ebidensya na ang E-sabong, tulad sa ibang uri ng sugal ay isang bisyo na sumisira ng buhay at naglalagay sa mga tao sa kapahamakan.
Inihalimbawa rito ang biglaan at kahina-hinalang pagkawala ng maraming sabungero na hanggang ngayon ay hindi pa rin alam kung saan matutunton.
Kumpiyansa ang mga kongresista na ang direktibang ito ng pangulo ay makapagliligtas ng mga buhay mula sa pagkalulong sa sugal at maiiwasan ang mga krimen na may kaugnayan sa E-sabong.
Tinukoy pa na dahil online ang sugal ay napakadaling pumusta rito at maraming indibidwal na madaling maimpluwensyahan tulad ng mga kabataan, mga mahihirap at mga kulang sa kaalaman.
Binigyang-diin pa na hindi lamang isang indibidwal ang sinira ng E-sabong kundi nabiktima rin ng pagkawasak ang maraming pamilya at mga OFW dahil sa lulong dito ang kanilang mga kaanak.