Mas tumibay ang paniniwala nina Senators Sherwin Gatchalian at Grace Poe na dapat nang patigilin ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa matapos ang dalawang pagdinig na ginawa sa Senado.
Tinukoy ni Gatchalian na sa dami ng krimen na nakakabit sa POGO tulad ng kidnapping for ransom, human trafficking, prostitution, corruption at iba, isang porsyento lang ng krimen ang nauuwi sa conviction ng korte.
Maliban dito, sinabi ni Gatchalian na maraming POGO ang hindi nagdedeklara ng tamang kita at delikadong magamit pa sa money-laundering.
Para naman kay Poe, maliwanag na mas mabigat ang negatibong epekto ng POGO sa bansa kumpara sa ibinibidang benepisyo nito.
Partikular na tinukoy ni Poe ang report ng National Economic Development Authority (NEDA) kung saan pinipigilan na ang mga Chinese National na magturista sa bansa dahil sa mga POGO operation at batay rin sa report, 15 mula sa 54 na POGO transactions ay kahina-hinala sa money laundering.
Sa pagdinig ng Senado, inilabas din ni Gatchalian ang impormasyon na may mga Chinese national sa POGO industry ang nag-aalok naman ng suhol sa mga taga-gobyerno para hindi mapalayas ng bansa.