Cauayan City, Isabela- Pinabulaanan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang kumakalat na impormasyon na pinatitigil na pagpasok ng mga tulong o donasyon sa Lalawigan o pagsasagawa ng relief operations.
Ipinapabatid ng provincial government na kailanman ay hindi pinigilan ni Governor Manuel Mamba ang pagpasok ng relief operations maging ang media coverage na pinapalabas ng ilang social media o Facebook pages na layong pigilan at ihinto ang pagbuhos ng tulong sa Cagayan.
Wala umano itong katotohanan dahil hinihiling lamang ni Cagayan Governor Manuel Mamba na magkaroon ng tamang koordinasyon para magabayan sa pagsasagawa ng relief operations sa mga lugar na kailangan din mabigyan ng tulong upang maabutan lahat ang 27 na mga bayan sa Lalawigan na apektado ng severe flashfloods.
Ipinapaala lamang ng Gobernador sa mga magsasagawa ng relief operation na obserbahan pa rin ang minimum health protocols kontra COVID-19.
Kaugnay nito, tiniyak ni Gov. Mamba na lahat ng mga ibinigay at ipinagkatiwalang donasyon o ayuda sa pamahalaang panlalawigan ay maipapamahagi sa mga nasalanta ng matinding pagbaha.
Sa katunayan, walang patid ang pasasalamat ni Gov Mamba dahil sa wala rin tigil na pagbuhos ng mga tulong mula sa iba’t-ibang organisasyon, LGU’s at private individuals na malaking tulong para sa muling pagbangon ng mga Cagayanos.