Malaking hamon pa rin sa Philippine Coast Guard (PCG) ang pagpapatrolya sa ilang bahagi ng West Philippine Sea dahil sa presensya ng Chinese Vessels.
Ayon kay PCG Commander Armand Balilo – ang mga coast guard at mga mangingisda ay malayang maglayag sa West Philippine Sea pero ang pagpunta sa Bajo de Masinloc o Panatag Shoal sa Zambales ay nananatiling pagsubok.
Sinabi ni Balilo na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nangunguna sa pagmo-monitor ng bahagi ng West Philippine Sea sa Palawan.
Sa kabila ng presensya ng mga Tsino at iba pang mga bansa, tiniyak din niya na patuloy nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Nabatid na aabot sa higit 200 Chinese vessels ang namataan malapit sa Pag-asa Island mula Enero hanggang Marso ngayong taon, na siyang naging hudyat para sa Department of Foreign Affairs (DFA) na maghain ng diplomatic protest laban sa China.