Pinaigting pa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapatrolya sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay matapos makitaan pa rin ang patuloy na presensiya ng mga barko ng China sa lugar na nagsasagawa ng fishing operations.
Sa inilabas na pahayag ng DA-BFAR, walang clearance ang mga ito mula sa gobyerno ng bansa kaya maituturing itong iligal at hindi maaaring magsagawa ng operasyon.
Sa paglagda ng memorandum of understanding sa pagitan ng BFAR at ng Philippine National Police’s Maritime Group (PNP-MG), kapwa nangako ang mga ito na paiigtingin ang pagbabantay sa lugar.
Humingi na rin ang mga ito ng tulong sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) gamit ang Fisheries Monitoring Center (FMC).