Pagpapatuloy ng blended learning at full distance learning sa mga pribadong paaralan, pinayagan na ng DepEd; mga pampublikong paaralan, obligado pa ring magsagawa ng limang araw na face-to-face classes sa Nobyembre

Pinayagan na ng Department of Education (DepEd) ang mga pribadong paaralan na magpatuloy sa blended learning option o kombinasyon ng face-to-face classes at distance learning sa kabuuan ng School Year 2022-2023.

Sa ilalim ng bagong DepEd Order (DO) No. 44 na inilabas ng DepEd ngayong araw, binibigyan ng pagkakataon ang mga pribadong paaralan na magsagawa ng limang araw na face-to-face classes, blended learning, o full distancing learning pagsapit ng Nobyembre 2.

Pero kung nanaisin ng mga pribadong paaralan na magsagawa ng blended learning method o in-person classes ng tatlong araw at dalawang araw para sa distance learning tulad ng modular, online, tv, o radio-based instruction ay malaya silang ipatupad ito.


Matatandaang sa naunang kautusan na DO 44 ay parehong inoobliga ang pampubliko at pribadong paaralan na magsagawa ng limang araw na face-to-face classes simula sa Nobyembre 2.

Nilinaw naman ng DepEd na ang mga pribadong paaralan lamang ang sakop ng bagong kautusan, dahil obligado pa ring magbalik sa full implementation ng in-person classes sa Nobyembre ang mga nasa pampublikong paaralan.

Facebook Comments