
Nakasalalay sa 20th Congress ang pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang iginiit ni Senate President Chiz Escudero sa tanong kung may ginawang pag- aaral at kung posibleng tumawid sa susunod na Kongreso ang paglilitis laban sa bise presidente.
Paliwanag ni Escudero, hindi nakatali ang 20th Congress sa anumang maging desisyon ng 19th Congress at posibleng magkaroon ng ibang pananaw sa impeachment ang bagong kongreso.
Kakailanganin kasing mag-reconvene muli ng Senado bilang impeachment court sa susunod na Kongreso at tulad sa 19th Congress, desisyon pa rin ng plenaryo o mayorya ng mga senador ang mangingibabaw.
Samantala, kung ang 19th Congress ang tatanungin, tiwala si Escudero na sa June 11 ay tuloy ang pagco-convene nila bilang impeachment court dahil walang malinaw na basehan o rason para hindi nila ito gawin.
Sa June 11 din aniya gagawin ang presentasyon ng prosekusyon ng articles of impeachment ang pagpapadala ng summon kay Vice President Sara Duterte.
Umaasa ang lider ng Mataas na Kapulungan na kung ituloy ng susunod na Kongreso ang impeachment trial ay mayroong hatol na ang impeachment court sa bise presidente sa Oktubre.









