Sa huling bahagi ng susunod na taon ay target ng Philippine National Oil Company – Exploration Corporation o PNOC-EC na ipagpatuloy ang paghahanap ng petrolyo sa area ng Palawan.
Sa budget hearing ng Senado ay inihayag ito ni PNOC-EC President and Chief Executive Officer Rozzano Briguez, makaraang payagan na muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang oil exploration sa West Philippine Sea.
Ayon kay Briguez, kaugnay nito ay nakipagpulong na sila sa kinatawan ng Department of Energy at Armed Forces of the Philippines – Western Mindanao Command para sa security arrangement.
Mayroon naman silang isang buwan para maghanda ng mga plano at programa sa explorations.
Sabi ni Briguez, sisentro ang PNOC-EC sa tinatawag na service contract 57 sa Northwest ng Palawan at service contract 59 sa Southwest ng Palawan.
Good news ito para kay Committee on Energy Chairman Senator Shewin Gatchalian dahil kailangang makahanap ng ibang mapagkukunan ng gas dahil patapos na o hanggang 2024 na lang ang drilling sa Malampaya.