Pagpapatuloy ng operasyon ng ABS-CBN, ipauubaya sa NTC

Hindi matiyak ng House Committee on Legislative Franchises ang pagpapatuloy ng operasyon ng ABS-CBN bunsod ng pagkabinbin sa pagdinig ng prangkisa ng network.

Ayon kay Committee on Legislative Franchises Chairman Franz Alvarez, ipauubaya na nila sa National Telecommunications Commission (NTC) ang pagpapatuloy ng operasyon ng ABS-CBN sa kabila ng nagbabadyang pagkapaso ng franchise sa March 30.

Paliwanag ni Alvarez, mayroong Memorandum of Understanding (MoU) noong 1994 ang NTC at Mababang Kapulungan na kung saan habang nakabinbin ang pagdinig sa franchise renewal, maaaring makapag-operate ang network.


Bukod dito, naging practice na rin noon ng Kamara na hindi ipagbawal ang operasyon ng isang broadcast company habang naka-pending ang pagdinig sa prangkisa.

Ayaw namang manghimasok na ng Kamara sa magiging desisyon ng Department of Justice (DOJ) sa quo warranto at ipapaubaya sa NTC kung pagbabatayan ito para mapahinto ang operasyon ng ABS-CBN.

Samantala, ngayong araw ay inumpisahan na ng komite ang pagtanggap sa position papers sa franchise ng ABS-CBN.

Facebook Comments