Pagpapatuloy ng pagdinig ng DOJ sa Atio Castillo hazing case, naging mainit

Manila, Philippines – Naging mainit ang pagpapatuloy ng pagdinig ng Dept of Justice sa hazing case ni Horacio Castillo III.

Ito ay matapos ihirit ng kampo ng respondents na magsumite ng kopya ng affidavit sa panel of prosecutors si respondent-turned witness Marc Anthony Ventura.

Ayon kay Atty. Paris Real ,abogado ni Alex Bose, kumalat na sa media ang kopya ng affidavit na isinumite ni Ventura sa NBI at kay Justice sec. Vitaliano Aguirre subalit wala silang natatanggap na kopya nito at nahuhusgahan na ang kanilang kliyente.


Aniya, malinaw itong paglabag sa Article 7 ng Witness Protection Program Act o ang Confidentiality of proceedings.

Iginiit naman ni Atty. Lorna Kapunan, abogado ng pamilya Castillo , na kay sec. Aguirre dapat humingi ng kopya ng affidavit ang respondents dahil tila aniya pang-aabala ito sa pag-usad ng pagdinig.

Nabigo namang humarap sa pagdinig si Ventura at hindi rin ito naghain ng kanyang kontra salaysay matapos ngang matanggap sa witness protection program ng DOJ.

Ang respondent naman na si Arvin Balag ay nakapag-subscribe na ng kanyang counter affidavit matapos na magtungo kaninang umaga si Fiscal Joselito de Casas sa Senado kung saan nakakulong ang nasabing miyembro ng Aegis Juris Fraternity.

Sa November 9 pinagsusumite ng reply affidavit ang kampo ng mga Castillo at ang Manila Police District, habang sa November 16 naman pinasusumite ng rejoinder affidavit ang mga inirereklamo.

Facebook Comments