Sa nakikita ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, magpapatuloy ang People’s Initiative (PI) sakaling hindi maisakatuparan ang pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 constitution.
Sabi ni Barbers, patuloy ang kanilang pag-apela sa Senado na aprubahan na sa lalong madaling panahon ang Resolution of Both Houses No. 6.
Naniniwala si Barbers na andyan pa rin ang PI at sinuspinde lamang ng Commission on Elections o Comelec.
Muli namang nilinaw ni Barbers na walang partisipasyon ang mga kongresista sa PI na layuning ma-amyendahan ang 1987 constitution.
Sabi ni Barbers, ang grupong PIRMA o People’s Initiative for Reform Modernization and Action ang kumikilos para sa PI.
Nilinaw rin ni Barbers, na ang hirit na pagreporma sa Saligang Batas ay hindi lamang kagustuhan ng mga Kamara kundi matagal ng panawagan ng halos lahat ng sektor para higit tayong makasabay sa pag-usad ng buong mundo.