Pagpapatuloy ng Senate hearing ukol sa red tagging, sinabayan ng mga raliyista ng panawagang pagbibitiw ng Makabayan Bloc.

Nagpapatuloy ngayon ang ikatlong bahagi ng pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security na pinamumunuan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ukol sa red tagging.

Parehong present ang mga kinatawan ng Makabayan Bloc at iba pang leader ng militanteng grupo gayundin ang security officials ng gobyerno.

Habang isinasagawa ang pagdinig ay dumagsa naman sa labas ng gate ng Senado ang mga magulang at mga kaanak ng mga nabiktima umano ng New People’s Army (NPA).


Panawagan nila sa Makabayan Bloc, mag-resign na.

Hiling naman nila kay House Speaker Lord Allan Velasco, imbestigahan ang Makabayan Bloc na isa sa mga itinuturo ng mga dating rebelde na umano’y sangkot sa recruitment para sa rebeldeng grupo.

Sa pagsisimula ng pagdinig ay agad nagpahayag si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ng pakikidalamhati at pakikisimpatya kay Bayan Muna Partylist Representative Eufemia Cullamat, matapos masawi ang anak nitong si Jevilyn Cullamat sa sagupaan ng militar at NPA sa Surigao del Sur.

Ayon kay Sotto, nakikiisa ang buong Senado sa diwa at pagdarasal para sa pamilya Cullamat at sana ay makagaan sa kanila ang magagandang alaala ni Jevilyn.

Diin naman ni Senator Lacson, walang kaibahan kung sundalo o NPA member ang nasawi dahil sila ay parehong Pilipino na magkaiba lang ang ipinaglalaban.

Facebook Comments