Pagpapatuloy ng voter registration, simula na ngayong araw

Umarangkada na ang pagpapatuloy ng voter registration ng Commission on Elections o Comelec Simula ngayong araw, August 1.

Ito ay tatagal hanggang September 30, 2019 mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-singko ng hapon, Lunes hanggang Sabado, pati holidays, maliban na lamang sa araw ng Linggo.

Ayon kay Divina Blas-Perez, director ng Comelec Election and Barangays department, nasa higit sa 2 milyong bagong regular voters at nasa 1.2 milyong dagdag na SK voters ang inaasahan nilang magpaparehistro, sa loob ng dalawang buwang voter registration.


Hinimok naman ni Comelec spokesman James Jimenez ang publiko, lalo na ang mga kabataan na magparehistro sa nabanggit na panahon, dahil wala nang ekstensyon ang voter registration.

Para makapag-parehistro, maaaring magtungo sa local Comelec offices, mga City at Municipal halls, ilang piling malls, mga barangay hall, at mga eskwelahan.

May special satellite registration naman para sa mga persons with disability, senior citizens, mga indigenous people, persons deprived of liberty at iba pang vulnerable sectors.

Kailangan lamang magdala ng isang valid ID, at makumpleto ang application form na dapat ay may tatlong kopya.

Facebook Comments