Iminungkahi ni Senator Grace Poe sa mga pribadong kompanya at sa gobyerno na ipagpatuloy ang work from home scheme kahit alisin na ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) at ipatupad ang General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Poe, ito ay para mapanatiling ligtas laban sa COVID ang mga mangagawa lalo na kung marami na ang babalik sa trabaho at babyahe gamit ang pampublikong transportasyon.
Sa pagdinig ng Committee on Public Services na pinamumunuan ni Poe, lumabas na nasa 2 milyong pasahero ng public transportation ang lalabas kapag isinailalim na ang Metro Manila sa GQC.
Kasabay nito, nanawagan si Poe sa mga telecommunication companies na pagbutihin ang serbisyo lalo na pagdating sa internet connection na kailangan ng mga nasa work from home.