Pagpapatunay sa umano’y “Cabral files,” hindi dapat ipasa ni Cong. Leviste sa Ehekutibo — Malacañang

Hindi dapat ipasa ni Batangas Congressman Leandro Leviste sa Ehekutibo ang pagpapatunay sa sinasabing nilalaman ng umano’y “Cabral files.”

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, malinaw na ang burden of proof ay nasa mambabatas dahil siya ang unang naglabas ng alegasyon at nag-ingay ukol dito, kaya siya rin ang may pananagutang magpatunay sa mga ito.

Ani Castro, hindi tungkulin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magpaliwanag o maglabas ng ebidensya para sa mga alegasyong hindi naman nila inilatag.

Kuwinestiyon din niya kung bakit ang DPWH pa ang hinihikayat na magpatunay sa sinasabing mga dokumento ng dating opisyal ng ahensya, gayong personal na paratang ng kongresista ang mga ito.

Giit ng Palasyo, bago magsalita at magbato ng akusasyon, tungkulin ng sinumang opisyal ng gobyerno na maglatag ng malinaw, beripikado, at dokumentadong ebidensya.

Facebook Comments