Inihain ni Davao City Rep. Paolo Duterte ang House Bill 3541 na nag-aatas sa mga bilangguan sa bansa na magpatupad ng boluntaryong “agricultural livelihood programs” para sa mga preso.
Ang panukala ni Duterte ay tugon sa kakarampot na pondo para sa pagkain ng mga persons deprived of liberty o PDLS.
Tinukoy ni Duterte na sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act ay nasa P70 lamang kada araw ang “food allowance” ng mga nakaditine sa iba’t ibang bilangguan sa bansa.
Diin ni Duterte sa kanyang panukala ay masisiguro ang masustansyang pagkain ng mga preso habang ang magiging ani naman o produkto mula sa kanilang mga tanim ay maaari nilang gamitin o ibenta.
Base sa panukala ni Duterte, ang kikitain ay ipapaloob sa Prison Agricultural Revolving Fund habang bibigyan naman ng “minimum wage rate” ang mga PDL na sasali sa programa.