Pagpapatupad ng amnestiya para sa mga natitirang rebelde, pinamamadali ni PBBM

 

Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang agarang implementasyon ng Amnesty Program para sa mga natitirang miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front o CPP-NPA-NDF.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año, na pina-activate ng pangulo ang mga Project Development Officer ng mga ahensya ng gobyerno para sa implementasyon ng NTF-ELCAC projects, na naging direktiba rin nito noong nakaraang taon.

Sa kasalukuyan ay nasa 1,500 na former rebels ang nag-apply ng amnestiya, pero ayon kay Año, inaasahang madadagdagan pa ito sa oras na masimulan na ang pagproseso amnestiya.


Samantala, pinataasan din ni Pangulong Marcos ang financial support para sa 846 na barangay sa bansa ngayong taon, na nasa ilalim ng Barangay Development Program (BDP).

Nabatid na nasa ₱2.6 billion lamang ng inilaang pondo sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act para sa implementasyon ng programa o katumbas ng ₱2.5 million kada barangay.

Gayunpaman, gagawa aniya sila ng paraan para itaas ito sa ₱10 million kada barangay.

Facebook Comments