Manila, Philippines – Pinamamadali na ni Senator Sonny Angara sa gobyerno ang pagpapatupad ng Republic Act 10929 na naglalayong magkaroon ng libreng internet access sa mga pampublikong lugar lalo na sa mga state colleges and universities.
Sabi ni Angara, noon pang 2017 nalikha ang Free Internet Access Program at ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pangunahing ahensiya na magpapatupad nito.
Pero ayon kay Angara, sa 112 SUCs na sakop ng programa 17 o 15 percent pa lang ang may free WiFi connectivity hanggang noong December 2018.
Pagdidiin nito, napapagkaitan ng libreng WiFi ang mga estudyante at guro ng 95 pang SUC.
Aniya noong 2018, binigyan ng P1.7 bilyon ang programa kung saan ang P326 milyon ay para sana sa paglalagay ng free WiFi sa mga SUC.
Giit pa ni Angara, malaking tulong ang libreng WiFi sa mga estudyante para sa kanilang research, assignments at projects.