Pinaigting ng Land Transportation Office (LTO) Region 1 ang pagpapatupad ng mga batas trapiko ngayong holiday season bilang bahagi ng Oplan D’BEST (Drive Better to Enjoy Safe Travel) at ng pambansang OPLAN Biyaheng Ayos: PASKO 2025, na ipinatutupad mula Disyembre 20, 2025 hanggang Enero 4, 2026.
Layunin ng pinaigting na operasyon na matiyak ang kaligtasan, kaayusan, at maayos na daloy ng biyahe ng publiko sa inaasahang pagdami ng mga motorista at pasahero sa rehiyon ngayong kapaskuhan at bagong taon.
Kabilang sa mga hakbang ng LTO Region 1 ang pagsasagawa ng random drug testing at terminal inspections sa mga driver ng public utility buses, vans, jeepneys, at modern public utility vehicles.
Ayon sa LTO, mahalaga ang maagap at mahigpit na pagpapatupad ng batas lalo na sa panahon ng holiday rush, kung kailan mas dumarami ang mga gumagamit ng kalsada at pampublikong transportasyon.
Kasama rin sa pinaigting na operasyon ang roadside inspections sa mga pangunahing kalsada at terminal, pagsusuri sa kondisyon ng mga sasakyan, at pamamahagi ng impormasyon ukol sa road safety at responsableng pagmamaneho.
Tiniyak naman ng LTO Region 1 ang kanilang mas mataas na presensya at mabilis na pagtugon sa anumang insidente sa kalsada ngayong holiday season. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







