Napakaaga pa magpatupad ang gobyerno ng mga paghihigpit sa mga border at itaas ang antas ng alerto ng bansa.
Ito ang sinabi ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante matapos ma-detect ang Omicron subvariant BA.4 sa isang Pilipino na dumating mula sa Middle East noong Mayo 4.
Ayon kay Solante, dapat mahigpit na tutukan ng gobyerno ang sitwasyon at suruin ang mga vulnerable na indibidwal na may sintomas ng COVID-19.
Aniya, kahit naman ang mga bansa na nakapagtala na ng Omicron subvariant BA.4 at BA.5 ay hindi nagpapatupad ng mga paghihigpit sa kanilang border.
Sinabi naman ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na hindi na kailangang magtaas ng alert level ng bansa kahit pa magkaroon ng pagtaas ng COVID-19 cases.
Wala aniya siyang nakikitang problema kahit sumipa pa ang kaso ng virus basta’t masigurong walang peligro sa hospital utilization rate.
Hindi na rin aniya kakayanin pang magsara ng ekonomiya sa pamamagitan ng paghihigpit ng alert level.