Pagpapatupad ng cashless payments sa toll, hindi na dapat maantala – DOTr

Nanindigan ang Department of Transportation (DOTr) na hindi na dapat maantala ang pagpapatupad ng contactless payment scheme sa tollways.

Ayon sa DOTr at sa Toll Regulatory Board (TRB), ‘long overdue’ na ang sistema at hindi na dapat pinapatagal ang pagpapatupad nito para sa interoperability ng toll systems.

Ang anumang delay sa pagpapatupad nito sa gitna ng pandemya ay tataas lamang ang exposure ng mga motorista maging ng mga toll personnel mula sa virus.


Dagdag pa ng DOTr, pinalawig din nila ang deadline para sa mandatory implementation ng cashless toll collections hanggang December 1, 2020 para mabigyan ng panahon ang mga motorista na makakuha ng RFID stickers.

Sa halip na suspendihin ang programa dahil sa isyu ng limitadong RFID installation sites, ang solusyon ay dagdagan ang installation booths at manpower.

Ang Easytrip tags ay iniisyu ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) para sa NLEX, SCTEX, CAVITEX, C5 Link, at CALAX habang ang Autosweep ay inilalabas ng San Miguel Corporation para sa STAR, SLEX, Skyway, NAIA Expressway, at TPLEX.

Una nang sinabi ng DOTr na ang cashless toll transaction at integration ng RFID systems ay bahagi ng Toll Interoperability Project ng ahensya na isinusulong pa noong 2017.

Facebook Comments