Naghain ng proposal ang Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) sa lokal na pamahalaan ng Baguio hinggil sa pagpapatupad ng congestion fee para sa mga sasakyan na papasok sa central business district ng lungsod.
Ito’y bilang parte ng Smart Urban Mobility Project sa ilalim ng public-private partnership (PPP) scheme para mas mapaganda ang sistema ng transportasyon at serbisyo gamit ang makabagong teknolohiya.
Aabot sa P250 ang babayaran ng mga motorista bilang congestion fee kung saan paraan ito upang mabawasan ang pagsikip ng trapiko, carbon emission, at energy consumption sa mismong business district ng lungsod.
Giit pa ng MPTC na siya ring humahawak ng North Luzon Expressway (NLEX), maisusulong din nito ang displina sa mga tsuper at iba pang motorista kung saan ang planong traffic system sa Baguio ay itutulad sa bansang Singapore.
Hindi naman kasama sa nasabing panukala ang mga Public Utility Jeepney (PUJ), mga sasakyan ng senior citizens, persons with disability (PWD), uniformed personnel na naka-duty, at emergency response vehicles.
Ang mga taxi at sasakyan ng gobyerno na may travel order ay bibigyan ng discount sa congestion fee, at ang mga sasakyan ng mga residente sa Baguio ay bibigyan ng rebates.
Kaugnay nito, pinag-aaralan na ng Baguio LGU ang pagpapatupad ng congestion fee para sa mga sasakyang papasok sa lungsod.