Pagpapatupad ng disqualification ng Comelec laban sa alkalde ng Tarlac City, ipinahinto muna ng Korte Suprema

Ipinahinto muna ng Korte Suprema ang implementasyon ng desisyon ng Commission on Elections na nag-disqualify kay Tarlac City Mayor Susan Areno Yap-Sulit.

Sa naging sesyon ngayong Martes, tinalakay ng Supreme Court En Banc ang inihaing petisyon ni Yap laban sa desisyon ng poll body noong October 22 dahil sa isyu na hindi umano naabot na residency requirements.

Naghain si Yap sa SC ng petition for certiorari na humihiling na maglabas ng temporary restraining order o status quo ante order kaugnay sa desisyon ng poll body.

Ngayong Martes, naman naglabas ng status quo ante order ang Korte Suprema kung saan mananatili muna sa dati ang mga posisyon habang dinidinig ang kaso.

Inatasan din ng Kataas-taasang Hukuman ang mga respondent na magsumite ng komento sa loob ng sampung araw.

Bago niyan, kinilala na ng Department of the Interior and Local Government si Vice Mayor Katrina Theresa “KT” Angeles bilang bagong alkalde ng Tarlac City.

Facebook Comments