Sinuspinde na rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng expanded number coding scheme sa Metro Manila.
Batay sa inilabas na abiso ng MMDA, ito rin ay kasunod ng deklarasyon ng Malakanyang na suspendido na ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno at pampublikong paaralan ngayong araw hanggang bukas bunsod na rin ng masamang panahon dulot ng Bagyong Florita.
Ayon sa MMDA, epektibo na rin ang suspensyon ngayong araw hanggang bukas, August 24, 2022.
Inanunsyo rin ng MMDA na suspendido na rin ngayong araw ang operasyon ng Pasig River Ferry Service (PRFS) dahil sa masamang panahon.
Kaugnay nito, sinabi ng MMDA na maglalabas na lang sila ng panibagong abiso kung palalawigin ang suspensyon ng operasyon ng PRFS bukas, araw ng Miyerkules.
Habang, kinansela na rin ngayong araw ng pamunuan ng Philippine National Railways (PNR) ang kanilang operasyon dahil sa nararanasang pagbaha sa mga riles sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Ayon sa PNR, maglalabas na lang din sila ng panibagong anunsyo kung kailan magbabalik sa normal ang biyahe ng naturang tren.
Samantala, kinansela na rin ng Philippine Airlines (PAL) Express (2P) ang biyahe ng 2P 2932/2933 patungong Manila-Basco-Manila.
Kabilang din sa kinansela ang flights ng CebGo (DG) na DG 6031/6032 patungo ng Manila- San Jose- Manila at DG 6117/6118 patungo naman sa Manila-Naga-Manila.