Iginiit ni Senador Risa Hontiveros sa Inter-Agency Task Force on Zero Hunger na bilisan at pag-igtingin pa ang pagpapatupad ng mga National Feeding Programs na pinondohan na ngayong 2021.
Giit ni Hontiveros, kailangan itong maisagawa upang mapagaan ang epekto ng krisis sa kagutuman at malnutrisyon bunsod ng mataas na presyo ng bilihin at dumadaming nawawalan ng trabaho.
Partikular na binanggit ni Hontiveros ang kagyat at mahusay na pagpapatupad ng ‘supplementary and school-based feeding programs’ sa ilalim ng Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act, na may pondong higit sa P3.8B at ang Nutrisyon ng Mag-Nanay Act para protektahan laban sa sakit at komplikasyon ang mga buntis at bagong silang na sanggol sa unang 1,000 araw.
Ayon kay Hontiveros, patuloy na banta ang pandemya hindi lamang sa kalusugan at kabuhayan ng mga Pilipino, kundi pati na rin sa seguridad sa pagkain at nutrisyon.
Idinagdag pa niya na ang kabiguang gumawa ng agarang aksyon ay maaaring magresulta sa isang malawakang ‘food emergency’ na maaaring mas nakamamatay pa kaysa sa virus.