Ipapaubaya na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Local Government Unit (LGU) sa Laurel at Agoncillo, Batangas ang pagpapatupad ng force evacuation sa iba pang mga residente.
Ito ay matapos maitala ang kakaunting bilang ng evacuees kasunod ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Batay sa NDDRMC, nasa 1,495 indibidwal lang ang lumikas mula sa limang barangay sa nasabing mga bayan na malayo sa target nilang 14,000 indibidwal.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Usec. Ricardo Jalad, dapat sumunod ang lahat sa rekomendasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ang DILG at mga LGU kasi aniya ang nakatoka para hikayatin at ipatupad ang paglilikas sa mga residente.
Kasabay nito, tiniyak ni Jalad na nakatutok sila sa sama ng panahon na maaaring makaapekto sa sitwayson ng Bulkang Taal.
Nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at PHIVOLCS sa posibleng epekto ng hangin na dala ng sama ng panahon sa abo na nagmumula sa Taal.