Cauayan City, Isabela- Muling ipinapanawagan sa publiko ng Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City na ugaliin ang pagtalima sa minimum health protocol upang maiwasan ang hawaan sa COVID-19 ngayong napasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) Bubble Set Up ang lungsod hanggang Agosto 31,2021.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay POSD Chief Ret.Col. Pilarito Mallillin, kailangan na magpakita ng negative result ng antigen o RT-RT-PCR test sa loob ng 72-hour ang mga taong papasok sa lungsod bilang pagtitiyak na walang dalang virus at maiwasan ang hawaan.
Ayon pa kay Mallillin, kailangan na ipresenta ang nasabing mga dokumento sa inilatag na mandatory border control at kung walang maipapakita na anumang negative result ay subject for mandatory triage upon arrival ang mga papasok sa siyudad.
Bukod dito, mahigpit rin ang kanilang panawagan na ipinagbabawal ang pagdaraos ng mass gathering gaya ng kasal, binyag, birthday, religious activities at iba pang kumpulan ng tao maliban na lang sa 10% capacity nito.
Pagsapit umano ng alas-7:00 ng gabi ay siguraduhing sarado na ang lahat ng establisyimento maliban na lang sa pharmacy, hospital at iba pang mahahalagang nakabukas na establisyimento sa mga ganitong oras.
Mahigpit din nilang babantayan ang pagsusuot ng double face mask at face shield at ang umiiral na curfew hours simula alas-9:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga.
Binigyang diin rin ni Mallillin na hindi lamang sa private market kailangan ang negative result ng antigen o RT-PCR test kundi bago makapasok sa lungsod ay titiyakin ng mga awtoridad na mayroon dapat ipresenta na negatibong resulta bago magkaroon ng anumang transaksyon sa siyudad.
Samantala, humingi naman ng paumanhin si City Mayor Bernard Dy sa mga residente ng Luna,Isabela at kanyang binigyang diin na ang hakbang na ipinapatupad sa lungsod ay para sa lahat ng papasok sa lungsod at hindi lamang sa mga taga- Luna,Isabela.
Hinimok rin niya ang publiko na sundin ang ipinapatupad na polisiya upang matiyak ang kaligtasan ng lahat at mailayo sa mapanganib na Delta variant.