Iminungkahi ni Senator Leila de Lima sa Department of the Interior and the Local Government (DILG) na atasan ang mga barangay officials para ipatupad ng mahigpit ang COVID-19 health protocols sa mga community pantries.
Suhestyon ito ni De Lima makaraang magbanta si Interior Secretary Eduardo Año na ipapasara ang mga community pantries na hindi makakasunod sa health protocols.
Ayon kay De Lima, sa halip na ipatigil ang operasyon ng mga community pantries ay mas dapat na tumulong ang DILG sa implementasyon ng health protocols dito.
Giit ni De Lima, ang pagbabanta sa mga community pantries ay direktang pag-atake sa kumakalam na sikmura ng mamamayan.
Diin ni De Lima, kulang ang ayuda ng gobyerno kaya pumipila ang mga tao sa mga community pantries at kapag ipinasara ang mga ito ay sino pa ang tutulong sa mga nangangailangan ngayong panahon ng pandemya.