Pagpapatupad ng health protocols sa pagbubukas ng komersyo at industriya, mahigpit na babantayan ng DOLE, 90% ng maliliit na negosyo sa bansa, matatagalan pang magbukas

Kasabay ng muling pagbubukas ng ilang industriya sa bansa ngayong araw, nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ilang ipapatupad na health protocols partikular ang pagsasagawa ng COVID-19 testing.

Sa interview ng RMN Manila kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, nilinaw nito na hindi na mandatory ang pagpapatupad ng COVID-19 testing para sa mga empleyadong magbabalik sa kanilang trabaho.

Ayon kay Bello, bagama’t hindi obligado ang mga kompanya, maaari pa rin silang magpatupad ng COVID-19 testing basta’t hindi nila ipapataw sa kanilang mga empleyado ang gastos sa pagsasagawa nito.


Kasabay nito, pinatitiyak ni Bello sa mga employer ang kaligtasan ng kanilang mga empleyado.

Samantala, inihayag sa interview ng RMN Manila ni Employers Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz-Luis na posibleng hindi pa magbukas ang ilang industriya sa bansa.

Ayon kay Ortiz-Luis, 90% ng mga maliliit na negosyo sa bansa ay hirap pang makaahon dahil sa pagkalugi at posibleng matagalan pa bago sila makapagbukas.

Facebook Comments