Pagpapatupad ng joint venture agreement ng Primelectric at CENECO sa Negros, tinatalakay na ng NEA

Malapit na ang pagbuti ng electric power supply sa lalawigan ng Negros kasunud ng ginagawa nang pagtalakay ng National Electrification Administration (NEA) sa nabuong joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng Primelectric Holdings Inc at Central Negros Electric Cooperative, Inc. (CENECO).

Ayon kay NEA Administrator Antonio Almeda dahil natapos na ang plebisito na pumabor sa JVA ay ang pagpapatupad nito ang sya nang gagawin ng NEA.

Batay sa kasunduan ay 8 buwan ang target bago ito masimulan.


Noong Setyembre 12 ay inanunsyo ng NEA na 98,591 member consumers ang pumabor para sa JVA kontra sa 6,899 na hindi pabor.

Ang Primelectric ay sister company ng More Electric and Power Corporation(More Power) na power distribution utlity sa Iloilo City.  

Sa oras na makumpleto ang JVA, ang Ceneco-Primelectric merger company ay tatawagin nang Negros Electric Power Corp(NEPC).

Sa naging pulong sa NEA ay iniharap ni Primelectric President Roel Castro ang kumpletong detalye ukol sa JVA gayundin kung paano ito ipatutupad at ang target na  modernisasyon sa mga pasilidad.

Sa panig ng CENECO, sinabi ni acting general manager Atty. Arnel Lapore na umaasa syang agad mapasisimulan ng NEA ang JVA.

Target ng Primelectric na maglaan ng P2.1 billion investment na nakatuon sa pagmomodernisa ng power distribution system.

Sinabi ni Castro na sa oras na maayos ang distribution system ay kasunud na din masosolusyunan ang mataas na singil sa systems losses na syang pinapasan ng mga consumers.

Nangako si Castro na pagsapit ng 2028 ay makakamit nila ang 100 % target na  total electricifation sa Negros.

Upang maisakatuparan ang target programs ay tiniyak ng NEPC ang kanilang kooperasyon sa NEA.

Facebook Comments