Pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao, hindi na kailangan ayon sa Malacañang; WestMinCom Chief, tutol din sa batas militar

Hindi na kailangan na magpatupad ng Martial Law sa Mindanao.

Ito ang inihayag ngayon ng Malacañang kasunod ng panawagan ng Philippine Army at Philippine National Police na magpatupad ng Sulu-wide Martial Law kasunod ng naganap na kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu noong Lunes na ikinasawi ng 15 katao at ikinasugat ng mahigit 70.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi na kinakailangan ng Martial Law sa Mindanao at ipatupad na lang ang Anti-Terrorism Law kahit wala pang Implementing Rules and Regulation (IRR).


Sa interview ng RMN Manila, nagpahayag din si Western Mindanao Command WestMinCom) Chief Major General Corleto Vinluan Jr. ng pagtutol para isailalim ang buong probinsya ng Sulu sa batas militar.

Ayon kay Vinluan, ang pagsugpo sa terorismo sa Sulu ay isang “shared responsibility” mula sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan hanggang sa barangay level, kasama na rin ang mga sibilyan.

Aniya, sapat na ang bilang ng security forces sa Sulu para masawata ang pag-atake ng mga terorista.

Giit ni Vinluan, bagamat hindi nila isinasawalang bahala ang posibilidad ng muling pag-atake, patuloy aniya ang kanilang operasyon para mahanap ang mastermind ng pagpapasabog na si Mundi Sawadjaan, ang pamangkin ng napatay na ISIS emir ng Pilipinas na si Hatib Hajan Sawadjaan.

Si Mundi rin ang itinuturong utak sa pagpapasabog sa Jolo Cathedral noong 2019 na ikinamatay ng 21 katao.

Facebook Comments