Mas lalo pang hinigpitan ng Philippine National Police ang ipinapatupad na guidelines sa ilalim ng Enchanced Community Quarantine sa Cebu City.
Kasunod na rin ito ng isinagawang prusisyon sa Barangay Basak San Nicolas na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng ECQ.
Sa interview ng RMN Manila kay Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, nakatakdang sampahan ng kasong kriminal ang labing apat na indibiduwal, kabilang na ang Barangay Chairman ng Basak San Nicolas.
Una nang ipinag-utos ni Cebu City Mayor Edgardo Labella sa city legal office na pagpaliwanagin ang mga sangkot sa loob ng 24-oras.
Naglabas na rin ng show cause order kay Barangay Captain Norman Navarro at mga miyembro ng Sangguniang Pambarangay.
Nabatid na ang Barangay Basak San Nicolas ay isa sa mga hot-spot sa lungsod dahil sa mataas na kaso ng CCOVID-19 na umabot na ngayon sa 90 cases.