Pinalagan ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez ang plano ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na magpatupad ng mas mahigpit na patakaran sa mga Pilipinong babyahe sa abroad simula sa September 3.
Para kay Rodriguez na dating nagsilbi bilang immigration commissioner, ang naturang hakbang ay labag sa right to travel at right to privacy ng mamamayan.
Giit ni Rodriguez, hindi makatwiran na higpitan ng sobra at hingan pa ng samut saring dokumento ang mga byahero na tiyak magpapahirap sa kanila.
Babala pa ni Rodriguez, ang mas istriktong patakaran ay maaring magamit sa panggigipit, pag-abuso at pangungurakot o pangingikil ng mga tiwaling tauhan at opisyal ng Immigration at paliparan.
Diin ni Rodriguez, hindi makatwiran na parusahan ang mga Filipino traveler para matupad ang layuning tugisin o agad malambat ang mga mga human traffickers.
Bunsod nito ay hiniling ni rodriguez sa IACAT at kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, na syang chairman ng anti-human trafficking council, na huwag ituloy ang nasabing hakbang.