Mariing binatikos ng labor group Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ang ginawang salary and benefit deductions ng mga employer sa kanilang mga employee ngayong panahon ng General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, may mga natanggap silang reklamo na simula bukas, May 31, June 10 at June 15 ay inabisuhan na ang ilang mga empleyado na sapilitan nang babawasan ng mula 6% hanggang 25% ang kanilang sahod at benepisyo.
Ginamit umanong batayan ng mga employer ang bagong Labor Advisory 17 ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Magugunita na inisyu ang advisory para makarecover kaagad ang mga employer mula sa pagkalugi sanhi ng COVID-19 pandemic crisis.
Gayunman, sinabi ni Tanjusay na ayaw pakinggan ng DOLE ang mga masamang implikasyon nito sa mga manggagawa na naghihirapn.
Ang pagbawas ng sahod at benepisyo ng mga empleyado ay maituturing na isang panghoholdap ng mga employer at DOLE.
Tahasan din itong pag-atake ng DOLE sa prinsipyo ng non-diminution of wage and benefits principles na pino-promote ng Labor Code at nirerespeto ng Supreme Court.