Desidido ang Pilipinas na magsilbing lider sa mundo na lumalaban sa krisis na dulot ng climate change.
Ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno ang climate change ang pinakamalaking banta na kinakaharap ng mga tao sa panahong ito.
Nangangailangan aniya ito ng madaliang aksyon mula sa lahat ng antas ng lipunan lalo na at napakalaki ng pinsalang idinudulot nito hindi lamang sa lipunan kundi sa aspetong pang-ekonomiya.
Dahil dito, ayon kay Diokno ay bumuo sila ng tinatawag na green force na pinangungunahan ng Department of Finance (DOF) at Bangko Sentral ng Pilipinas para pagbukludin ang mga pribado at pampublikong pamumuhunan tungo sa pagkakaroon ng green business landscape at mabawasan ang epekto ng climate change sa pamamagitan ng sektor ng pinansiyal.
Kabilang sa mga proyektong popondohan para sa mithiing ito ay ang mga climate-resilient public infrastructure, at iba pang climate action initiatives, gayundin ng pag-develop ng energy transition mechanism project.