Pagpapatupad ng National ID System, hindi dapat madaliin ayon sa NEDA chief

Iginiit ni National Economic and Development Authority (NEDA) Acting Secretary Karl Kendrick Chua na hindi maaaring madaliin ang pagpapatupad ng National Identification System.

Nabatid na plano ng pamahalaan na tapusin ang procurement ng mga gagamiting equipment sa Agosto, at maumpisahan ang registration sa huling kwarter ng 2020.

Paliwanag ni Chua, kailangan munang plantsahin at ayusin ang ilang privacy at security issues nito.


Bukod dito, nananatili pa ring banta ang COVID-19 kaya hindi basta-basta ang pagsasagawa ng mass registration.

Sinabi ni Chua, na sinusubukan ng gobyerno na i-develop ang registration software na binili pa mula India.

Target ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang nasa 5 milyong household heads o head of the family na maiparehistro sa National ID sa katapusan ng taon, at 90 milyong Pilipino sa katapusan ng 2022.

Ang National ID System Act ay naging batas noong 2018 at nasa ₱2 billion ang inilaang pondo para sa programa.

Facebook Comments