Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar sa mga police regional office (PRO) sa labas ng Metro Manila na paghandaan ang pagpapatupad ng alert level system sa buong bansa.
Ayon sa PNP Chief, kailangang malinaw sa lahat ng mga pulis ang mga alituntunin sa iba’t ibang alert level para sa maayos na pagpapatupad nito.
Dagdag pa niya kaugnay sa pagluluwag ng mga alituntunin, inaasahan ang mas maraming mga tao sa lansangan kaya dapat akma rin ang deployment ng mga pulis.
Matatandaang bilin ni Eleazar sa mga pulis na paigtingin ang pagbabantay laban sa mga kriminal na maaring samantalahin ang pagluluwag para muling makapapambiktima.
Aniya, naging epektibo ang alert level system sa Metro Manila para mapababa ang kaso ng COVID-19 dahil na rin sa maayos na pagpapatupad ng mga health protocol at inaasahan niyang ganito rin ang gagawin ng mga pulis sa iba’t ibang rehiyon.