Humina umano ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino ang pagpapatupad ng Provincial Ordinance No. 325-2024 o ang mandatoryong pagsusuot ng reflectorized vest sa mga drayber at pasahero ng motorsiklo, traysikel mula alas-sais ng gabi hanggang alas-sais ng umaga sa Pangasinan.
Ayon kay Lambino, humina ang enforcement ng ordinansa dahil sa kakulangan ng citation tickets at monitoring noong halala. Aniya, ngayong tapos na ang eleksyon, umaasa siyang magiging mas mahigpit ang local na pamahalaan sa pagpapatupad nito.
Dagdag pa ni Lambino, nagbabalak sila na lumikha ng isang violation receipt system na magbibigay-daan sa pamahalaang panlalawigan — hindi lamang sa mga LGU — na mag-isyu ng citation tickets sa mga deputized authorities para sa iba’t ibang paglabag sa ordinansa, kabilang na ang mga paglabag sa trapiko.
Mula Enero hanggang Hunyo 2024, nakapagtala ng 853 aksidente sa kalsada sa Pangasinan, karamihan ay kinasasangkutan ng motorsiklo at traysikel.
Mula Agosto 1 hanggang Oktubre 6, 2024, 506 violator ang pinatawan ng multa at 14,207 ang binigyan ng warning kung saan nakolekta ang aabot sa PHP126,400.
Ang Provincial Ordinance No. 325-2024 ay nag-oobliga sa mga drayber at pasahero ng motorsiklo, traysikel, at iba pang sasakyan na magsuot ng reflective vest mula alas sais ng umaga hanggang gabi at ang sinumang lalabag ay posibleng patawang ng hindi bababa sa limang libong piso o isang taong pagkakakulong. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









