Ipinanukala ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa Energy Regulatory Commission (ERC) ang pagpapatupad ng Social Amelioration Program (SAP) sa mga electric consumers ng Manila Electric Company (MERALCO).
Ayon kay BAYAN Secretary General Renato Reyes, marami pa rin kasi sa mga ito ang hindi pa nakakabangon sa dalawang buwang community quarantine dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa panukala ni Reyes, dapat i-waive ng MERALCO ang electricity bill ng households na may buwanang konsumo na 200 kilowatt/hour pababa.
Mahirap pa rin kasi umano ito lalo na sa mga “no work, no pay” na manggagawa na hindi naman nakapasok kahit ipinag-utos ng ERC ang apat hanggang anim na buwang installment sa pagbabayad ng monthly bill.
Pero, ayon kay MERALCO Spokesman Joe Zaldarriaga, dapat bigyan ng konsiderasyon ang MERALCO sa pagpapasya sa nasabing kahilingan dahil hindi lang naman ito ang nagsusuplay ng kuryente sa bansa.